Aquino: Katarata at ang inyong PhilHealth

DAHIL ipinagdiriwang ang Sight Saving Month dito sa ating bansa tuwing buwan ng Agosto ay minabuti kong pagtuunan ng pansin ang lumalaking bilang ng mga kababayaan nating nagkakaroon ng katarata.

Mula kasi noong 1987 hanggang sa taong kasalukuyan ay may 400,000 kaso na ng pagkabulag dahil sa katarata ang naitala sa bansa. Hindi sana umabot sa ganito karami ang nabubulag kung agad lamang na nailapat ang karampatang lunas sa sakit na ito sa mata na maaaring matanggal sa pamamagitan ng operasyon.

Updates on President Benigno Aquino III's presidency

Ang katarata ay ang pagkakaroon ng puti o cloudiness sa lente ng mata na nakasasagabal sa light transmission sa mata. Ang taong mayroong katarata ay maaaring magkaroon ng malabong paningin, poor night vision o cloudiness of vision. Sinasabing ang katarata ay sakit ng may edad ngunit kahit mga bata ay maaaring tamaan ng sakit na ito.

Mayroong iba’t ibang uri ng katarata. Ang pinaka karaniwan ay ang senile cataract kung saan ang tinatamaan nito ay ang mga may edad 60 pataas. Mayroon ding congenital cataract kung saan ang isang tao ay ipinanganak na mayroon ng katarata o ito ay nagsimula sa early childhood pa lamang.

Tinatawag namang traumatic cataract kung ito ay nagsimula matapos maaksidente ang isang tao. At ang panghuli ay ang metabolic cataract na siyang nagiging resulta ng diabetes, problema sa thyroid o iba pang systematic diseases.

Ang pagtanggal ng katarata sa pamamagitan ng operasyon ay 95% na matagumpay, simple, hindi masakit (painless) at ligtas. Ito ay maaaring gawin kahit sa mga pasyenteng edad 80 pataas basta’t mayroong magandang kalusugan. Sakaling matanggal na ito, hindi na ito babalik taliwas sa karaniwang paniniwala tungkol dito.

Ang cataract extraction ay isinasagawa sa 2nd at 3rd level hospitals at ambulatory surgical clinics ng mga kwalipikadong ophthalmologist. Depende sa paraan ng operasyon (hal. phacoemulsification, ECCE at ICCE) ay maaaring magtagal lamang ito mula 15 minuto hanggang isang oras. Maaari pa nga itong isagawa kahit bilang outpatient.

Narito ang ilang post operative care na maaari ninyong sundin pagkatapos na matanggal ang katarata: huwag kusutin ang mga mata; iwasan ang yumuko; iwasang magbuhat ng mabibigat na bagay; matulog sa panig ng hindi apektadong mata; at unawain at sunding mabuti ang iba pang mga ipinayo sa inyo ng duktor

Ang magandang balita ay binabayaran ng PhilHealth ang cataract extraction sa pamamagitan ng case payment na umaabot sa P16,000.00, mapa-isa o dalawang mata man ang ooperahan. Kung ang dalawang mata ay sabay na inoperahan o kaya naman ay wala pang 45 oras ang pagitan sa operasyon ng dawalang mata, ito ay itinuturing na single package na babayaran ng PhilHealth ng P16,000. Kung ang pagitan naman ng operasyon ay higit sa 45 oras, ito ay babayaran bilang magkahiwalay na package o P16,000 kada mata.

Ang P8,000 dito ay ibinabayad ng PhilHealth sa ospital para sa room and board, drugs and medicines, at supplies kasama na ang intraocular lens, at sa X-ray, laboratory at ancillary procedures. Ang natirang P8,000 naman ay ibabayad sa ophthalmologist na magsasagawa ng operasyon. Sa taong 2009, nakapagbayad ang PhilHealth ng P1,192,704.43 para sa 68,948 kaso ng cataract extractions.

Narito ang ilang paalala para sa mga miyembro na sasailalim sa cataract extraction:

- Dapat ay sa Level 2 to 4 accredited hospitals o sa ambulatory surgical clinics ito isagawa. Kinakailangan ding accredited ang ophthalmologist na magsasagawa ng operasyon.

- Eligibility requirements. Kung employed member ay dapat na may tatlong buwang kontribusyon sa loob ng anim na buwan bago ang buwan ng operasyon. Kung individually paying member ay siyam na buwang hulog sa loob ng 12 buwan bago ang buwan ng operasyon. Kung OFW ay saklaw ng effectivity date sa Member Data Record. Kung sponsored member ay nagtataglay ng valid Family Health Card. Kung lifetime member naman kailangan lamang na ipakita ang valid Lifetime Member ID card mula sa PhilHealth.

Katarata at abuso. Ang nakalulungkot ay may ilang health care practitioners ang umaabuso sa benepisyong kaloob ng PhilHealth sa pamamagitan ng mga “medical missions” na kalaunan ay kanilang nire-reimburse din sa PhilHealth.

Ang siste, mayrooong mga duktor na nagsasagawa ng libreng “medical missions” na kumakausap sa mga PhilHealth members. Pagkatapos ng screening at mayroong mga hindi pa miyembro, sila pa mismo ang umaako sa premium contributions at mag-aayos ng PhilHealth membership ng pasyente. Itatakda nila ang operasyon sakaling maaari ng magamit ang benepisyo ng miyembro. Ang masaklap pa nito, ooperahan ang kawawa nating kababayan kahit na walang indikasyon na kinakailangan itong isagawa gaya ng panlalabo ng paningin, poor night vision, cloudiness of vision at iba pa. Wala ring isasagawang follow-up check-up sa mga pasyenteng sumailalim sa operasyon.

Matapos ang operasyon, sila ay pinapipirma sa PhilHealth Claim Form 1 na siyang gagamitin ng tiwaling duktor na ito sa pag-reimburse sa PhilHealth. Kung minsan pa nga, sinisingil nila ng P500 hanggang P20,000 ang pasyente lalo na at mukhang may kakayahang magbayad. Hindi lamang sa mga malalayong probinsiya nangyayari ang mga katiwaliang ito dahil kahit sa National Capital Region ay naging talamak ang gawaing ito.

Maliwanag na may ilang nakikinabang sa malaking coverage ng PhilHealth sa cataract extraction at upang matigil ang pang-aabusong ito ay inilunsad ng PhilHealth noong 2007 ang Task Force “Kisap Mata” sa pakikipagtulungan sa Philippine Academy of Ophthalmology. Nilalayon ng nasabing partnership na itigil ang pagsasamantala sa mga walang kamalay-malay na pasyente na kinakalap at dinadala sa mga diumano’y medical missions para sa libreng cataract operation.

Nagpalabas din ang PhilHealth ng PhilHealth Circular 17 at 19, serye 2007 kung saan ang cataract surgeries sa mga medical mission ay hindi na maaaring bayaran ng PhilHealth. Ito ay para protektahan ang mga miyembro ng PhilHealth at para maiwasan na madungisan ang maraming duktor na malinis naman ang hangaring tumulong sa mga kababayang nangangailangan ngunit nababahiran ng katiwaliang ginagawa ng iilan.

Ngayong Biyernes sa Hataw. Lagi bang masakit ang iyong ulo na para bang may pumipitik-pitik at may kasama pang pagsusuka? Baka migraine ‘yan! Abangan ngayong Biyernes, Agosto 27, 2010 sa “PhilHealth…Hataw sa Serbisyo!” sa DWIZ 882 Khz AM kasama sina DWIZ News Director Ely Aligora at Marou Pahati Sarne.
style="display:block; text-align:center;"
data-ad-layout="in-article"
data-ad-format="fluid"
data-ad-client="ca-pub-2836569479021745"
data-ad-slot="1977900730">


VIEW COMMENTS
DISCLAIMER:

SunStar website welcomes friendly debate, but comments posted on this site do not necessarily reflect the views of the SunStar management and its affiliates. SunStar reserves the right to delete, reproduce or modify comments posted here without notice. Posts that are inappropriate will automatically be deleted.


Forum rules:

Do not use obscenity. Some words have been banned. Stick to the topic. Do not veer away from the discussion. Be coherent. Do not shout or use CAPITAL LETTERS!

sunstar.com.ph