Sapnu: Robbery sa Pampanga at Angeles mukhang ‘rampant’

NITONG buwan, sunod-sunod ang nakawan na nagaganap sa Pampanga at sa Angeles City.

Sa latest na report, ang biktima ng Akyat Bahay Gang ay si Anson Ong, 37. Pinasok ang kanyang bahay sa Villa Teresa, Barangay Cacutud, Angeles City, noong Marso 28.

Halos umaabot sa P2 milyon ang halaga ng nakulimbat sa kanyang bahay, kabilang ang dalawang M-16 colt rifle, isang MP5 .9mm MKE, caliber .40 Para Ordinance, caliber .45 smith and Wesson, caliber .22 Ruger long rifle, apat na caliber .40 magazines, pitong camera lens, mga alahas, at P200,000 cash.

Ang biktima, kasama ang kanyang pamilya, ay nag-Holy Week vacation sa Santiago City sa Isabela at walang taong naiwan sa kanyang bahay kaya nagkaroon ng pagkakataon ang mga miyembro umano ng Akyat Bahay gang an pasukin ito.

Laking gulat ni Ong nang napag-alaman nito na nilooban ang kanyang bahay kaya dali-dali itong umuwi sa kanila at doon nakita niya na bukas na ang kanyang Steel Vault kung saan nakagalagay ang lahat ng mga nanakaw sa kanya.

Nakapagtataka lamang sa ipinadala na report ng Angeles City Police kung bakit iyong dalawang security guard ng Queen Bee Security Agency na sina Roel Gandaman at Paul Jorie Gutierrez na naatasan na magbantay sa bahay ni Ong ay hindi namalayan na mayron nangyayari sa loob ng bahay? At bakit sa report ng Angeles City Police, hindi man lang inimbita ang dalawang security guard? Nagtatanong lang po…

Maging ang bahay ni Saturmina Tungol, 56 ng Barangay Mangga-Cacutud, Arayat, Pampanga ay nilooban din ng tinaguriang Akyat Bahay Gang.

Wala ding tao sa bahay ni Tungol nang pasukin ito at tinangay ang kanyang cash na P160,000, tatlong paris na hikaw, anim na singsing, isang iPod Mini, isang necklace, isang bracelet at dalawang relo.

Noong Marso 10, ang bahay din ni Ricardo Canlas, 76, isang retiradong US Army ng Xevera Subidivision, Barangay Calibutbut, Bacolor ay nilooban din ng Akyat Bahay Gang.

Natangay sa kanya ang isang unit ng laptop computer at isang bag an naglalaman ng mga alahas.

Marami pang robbery incidents na nangyayari sa Pampanga at Angeles City at hanggang ngayon ay wala pang nahuhuli ang Pulisya.

Sila ba ay mahirap hulihin o kulang ang police visibility?  Nagtatanong lang po…

Mga cashier ng Sfelapco, suplada?

Isang miyembro ng PNP ang nagsumbong sa Dateline na nung siya ay magbabayad ng monthly bill ay sinupladahan umano siya ng isang cashier ng Sfelapco.

Ang dahilan ay nahuli lamang siya ng isang araw sa deadline ng kanyang pagbabayad ng monthly bill.

Nakikiusap ang nasabing pulis nguni’t ang sabi ng cashier ay hindi puwede ay dapat daw ay dalawang buwan ang kanyang babayaran.

Kaya nangyari tuloy ay nainis din ang nasabing pulis sa cashier at hindi na nagbayad dahil ang kanyang kayang bayaran muna ay ang isang buwan na bill.

Dapat ang ginawa ng cashier ay pinapunta niya ang pulis sa manager nila para makiusap.  Di ba po mas ok iyon kaysa supladahan mo ang customer?  Nagtatanong lang po….

Kaya sabi nga ng pulis ay dapat ayusin ng Sfelapco management ang pakikitungo ng mga cashier sa kanilang mga customer.

Trending

No stories found.

Just in

No stories found.

Branded Content

No stories found.
SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph