Sangil: Ang Katagang: Move On

"MOVE on."

Naka move on ka na ba? Hindi ba karaniwang maririnig ang mga katagang iyan sa dalawang tao, lalo na magkaibigan o magpamilya?

Nababangit ang mga salitang ito kapag may pinagdaanan ang tinanong ng naging isang karanasan, karanasang hindi mapaknit sa alaala at nag-iwan ng sugat sa puso o sa damdamin.

Isang kasamahan ko sa Monday Club tawagin na lang natin siyang Ric ang biglang napansin ng barkada ang sobra niyang pamamayat.

Noong usisain napilitan ito na ipagtapat ang paghihiwalay nila ng kaniyang nililiyag.

Hindi makatulog, halos hindi makakain. At ilan buwan muna ang lumipas bago nakabawi sa kaniyang katawan.

Napansin ito ng kaniyang tukayong si Rico at tinanong kung bakit biglang bumawi ang katawan at laging may baon na ngiti sa labi. 'Nakapag-move on nako pare Rico. Nagkabalikan na kami', ika niya.

Ang ating bansa ba ay nakapag-move on na ba? O hindi nakapag-move on kaya tuloy napag-iwanan tayo ng mga kalapit na bansa dito sa Asya?

Balikan lang natin at buklatin ang aklat ng kasaysayan sa nitong nakalipas na mahigit na dalawampung taon.

Naging magkatungali sa pulitika si Ferdinand Marcos at Benigno S. Aquino, Jr. sa mahabang panahon.

Naging pangulo si Marcos at humantong na malamig na bangkay ang pinaslang na si Ninoy Aquino noong ito'y nagbalik ng bansa pagkatapos ng ilang taong pamamalagi sa Estados Unidos.

Itinadhana ang pagkalukluk sa Palasyo ng Malacanang ang biyuda ni Ninoy na si Tita Cory at sa simpatiya ng taong bayan dahil sa tinamong pang-aapi ng diktadurya sa pamilya ng mga Aquino.

At noong naging pangulo ng bansa si Tita Cory lahat ng programa ni Marcos ay hindi na ipinagpatuloy.

Isa sa mga naapektuhan ay ang Bataan Nuclear Power Plant sa may Morong, Bataan.

Kung naging nuclear based generation lang ang koryente sa ating bansa, sabi ng mga eksperto baka dalawang piso lang per kilowatt ang bayad nating mga konsumer. Hindi nakapag-move on ang mga Aquino at naapektuhan ang bansa.

Heto ngayon si Senadora Grace Poe.

Tinapos na ang pananabik ng taong bayan kung siya ba ay tatakbo sa panguluhan, at nitong Miyerkules nag-anunsiyo siya sa kaniyang ambisyon.

At ginanap sa Alumni Home ng University of the Philippines sa may Diliman, Quezon City.

At kung inyong natatandaan, ito rin ang lugar na kung saan nagproklama ang amang si Fernando Poe Jr. noong siya ay tumakbong presidente laban kay Gloria Macapagal Arroyo.

Ang tanong ng karamihan siya ba ay tatakbo sa panguluhan dahil lang sa alaala ng ama. Dahil madalas din namang mamutawi sa kaniyang labi na ipagpapatuloy daw ang sinimulan ng FPJ.

O siya ba ay tatakbo sa panguluhan dahil sa kaniyang inilahad na plataporma de gobyerno at hayaan na ang kasaysayan ang maghusga.

Kalimutan na at isantabi ang mga mapait na alaala ng lumipas at buuin ang sambayanan patungo sa magandang bukas.

Hindi yaong laging tumatanaw sa nakaraan na kamukha ng ginawa ng kasalukuyang administrasyon.

Trending

No stories found.

Just in

No stories found.

Branded Content

No stories found.
SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph