SA KABILA ng matinding paghihigpit ng mga security guard ng Marquee Mall sa Angeles City nalusatan pa rin ang mga ito.

Noong nakaraang linggo isang Mitsubishi Galant na may plakang WGV-371 ang kinarnap ng di-pa kilalang lalaki.

Nakaparada sa B2 parking lot ang kotseng pag-aari ni Noelito Serrano, 61, residente ng Marisol Village, Barangay Ninoy Aquino, Angeles City nang kinarnap ng mga karnaper.

Ang nasabing kotse ay binibenta umano ni Serrano at doon ang usapan nilang magkikita ng buyer.

Kaya naman lahat ng mga kinakailangan na papeles/dokumento ukol sa Galant car ay nasa loob ng behikulo.

Kasama ni Serrano ang kanyang anak na naghihintay sa buyer at dahil medyo nainip ang mga ito, pumasok sila sa Chowking restaurant at doon nananghalian umano.

Nang iwanan ni Serrano ang kanyang kotse ay sinugurado nito na “properly locked” bago sila pumasok sa mall.

At dahil nainip sa kahihintay sa buyer ni Serrano, nang bumalik sila ng kanyang anak sa pinaradahan nilang kotse ay laking gulat nila na wala na ito sa parking lot.

Sang-ayon sa police report na pinarating dito, ang nasabing kotse ay nakalabas sa Exit/Entrance Gate No. 2 kahit na walang ibinigay na pass card sa duty guard noon.

Ang pahayag ng drayber sa guard sa gate 2, ay nawala ang hawak nitong pass card at sa halip, pinakita nito ang orihinal na OR/CR ng Galant car, ayon sa police report.

Ang masaklap nito, walang ginawang “verification” ang duty guard noon kaya naman malayang nakalabas ang Galant car ni Serrano.

Ano kaya ang aksyon ng mall sa nasabing guard nila noong nangyari ang karnaping sa kanilang mismong Marquee Mall?

Nagtatanong lang po

Dati malimit mangyari ang karnaping sa SM Pampanga kahit na mayroon pass card nguni’t mukhang naging maayos na yata ang kanilang ginagawang seguridad kaya walang nairereport na karnaping sa kanilang parking lot.

Ang tanong dito, ano ang pananagutan ng security guard ng Marquee mall at maging ang management nito? Nagtatanong lang po…

****

Binabati ng Dateline sa kaarawan ni Senior Police Officer-1 Edwin Prado na nakatalaga sa Regional Operations and Plans Division sa PRO3…

Happy Birthday Prado sa iyong kaarawan kahapon (June 25).

Sa susunod po na kolum ng Dateline, susundan ko ang kolum ko noong Monday tungkol sa dalawang tauhan ni Gob Nanay na maaaring ikasira nito.