Sangil: Mahirap ang maging mahirap

NITONG parating na araw ng kapaskuhan, mapapansin mo ang mga malls na puno na ng namimili ng kung ano ano bilang paghahanda. At kung salat ka sa pera, at nagpunta ka sa mall para magpalamig lang, at walang laman ang kartamoneda, siyempre naman medyo maiingit sa mga taong ang daming bitbit na pinamili. Mahirap ang maging mahirap. TALAGA,sabi ng mga dabarkads ko sa Villa Angeles Tennis Club sa Lungsod Angeles. Kung ikaw daw ay isinilang na mahirap, ikaw ang may kasalanan kung mamamatay kang mahirap. Malalim ang kahulugan ng kasabihang ito.

Heto ang isplika ng kaibigang Dr.Romy Taruc. Lahat daw ng tao na isinilang sa mundo ay isang kampeon. Noong daw nagtalik ang ating mga magulang, and ating ama ay may kabilangang higit kumulang 70 milyong semilya na nag-unahan na maka-una sa isang itlog na galing naman sa semilya ng nanay.

At noong maglihi ang iyong ina, ikaw yaong isa sa 70 milyong nagkarerahan na nanguna sa lahat na siya niyang ipagbubuntis. Ikaw yaon. Kampeon ka

Dito sa atin sa Pilipinas, pag nakakita ako ng isang mama o ale na namamalimos, ang sumasa-isip ko bakit kaya siya nagka-ganyan. Naglipana ang mga mahihirap na tao. Sa totoo lang, ayon sa statistika, isa sa bawat apat na Pilipino ay konsideradong mahirap.

Ayon sa National Statistical Coordination Board, mahigit sa 25 porsyento sa mamayang Pilipino ay naghihikahos. Ibig sabihin maraming pagkakataon na may mga pamilyang hindi kumakain ng tatlong beses sa maghapon.

Sa tantya ko naman, may mga 15 porsyento lang pwedeng tawaging mayaman dito sa atin, at karamihan mga tsinoy o kastila na kamukha nila Henry Sy, Andrew Tan, Lucio Co, Lucio Tan, Robert Coyuito, Alfonso Yuchengco at iba pang mga singkit na malalaking negosyante. Ang mga lahing kastila kamukha nila Ayala, Zobel at Ricky Razon ay iilan lamang na talagang so rang yaman.

Si Ginoong Henry Sy ay nagtitinda ng mga sapatos at bakya sa may Carriedo sa distrito ng Sta. Cruz sa Maynila noong dekada singkwenta. Siya ngayon ang pinakamayaman sa Pilipinas. Bukos sa SM malls, kaniya ang pinakamalaking banko, ang BDO at nasanegosyong minamahan, real estate at marami pang iba. Isa siyang tunay na kampeon.

Si Ginoong Lucio Tan ay isang tsinoy na lumaki sa Bicol, dating nag-bobote garapa at ngayon may mga banko, condominium buildings, hotels,airline companies at factories. Tunay na kampeon.

Si Lucio Co ay anak ng isang tindero ng tela sa Divisioria. Nag-umpisa sa maliit na tindahan at ngayon kalat na ang kaniyang negosyo sa bawat sulok ng Pilipinas. Minsan niyang pinangasiwaan ang Fontana Leisure Park and Casino. Ibinenta lang kay Robin Tan, at ang huli ibinenenta sa Jimei Group ng Hongkong.

Lahat ng nabanggit ko ay mga taong totoong nagpunyagi, nagtiis, masipag at buo ang loob at pag-iisip na kailangan siyang manguna sa karera ng buhay

Sa kabilang dako,karamihan sa atiing mamayan ay kung hindi maliit na negosyante, ay dili kaya ay mga empleyado na tamang tama lang ang kita para sa isang maliit na pamilya. Pamilyang kayang mangupahan ng apartment, makabili ng hulugan ng may kamurahang sasakyan at paminsan-minsan ay nakakapasyayal sa mga malls at makapag- meryenda sa mga food chains.

Sabi noong kanta ni Rico J. Puno, ' Bakit kaya ang buhay ng tao, may mayaman at api sa mundo? Kapalaran.... Palagay ko naman hindi kapalaran. Nasa tao yan. Kailangan ang isang tao ay may ambisyon. Mag-aral, magtrabaho o magnegosyo. Mag masipag, magpunyagi at huwag manlamang na kapuwa. Maging matulungin para magkaroon ng magandang reputasyon.

Kapalaran nga ba ang magtutulak sa bawa't isa sa atin kung saan ang daang tatahakin? Ang isang kampeon na kamukha mo, punta ka sa landas ng tagumpay. Hindi pa huli ang lahat. MALIGAYANG PASKO!

Trending

No stories found.

Just in

No stories found.

Branded Content

No stories found.
SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph