Sangil: Hindi Nawala ang SOP

MAY panawagan, pati ng ilang sektor ng simbahang Katoliko, na bumaba na sa pwesto ang Pangulong Benigno 'Noynoy' Aquino. At sa isang banner story ng Manila Times na nalathala nitong nakaraang araw at naka-post sa Facebook account ng ilang netizens, nanawagan ang kaniyang tiyuhin na si dating Congressman Jose 'Peping' Cojuangco na hinihikayat ang pamangkin na magbitiw na sa pwesto.

Si dating Congressman Peping Cojuangco ay nakakabatang kapatid ng yumaong dating Presidente Cory, ang ina ng kasalukuyang pangulo. Dagdag mungkahi pa ng tiyo na magtalaga ng isang transition government. At pinunto bilang modelo ang bansang Thailand na ng mag-alsa ang mamayan, napilititan bumaba sa pwesto ang pangulo at pansamantalang namahala muna ang kanilang sandatahang lakas. Naging maayos naman ang kinalabasan, at patuloy na namamayani ang demokrasya sa nasabing bansa.

*****

Naalala ko tuloy noong dumalo ako sa birthday party ni dating Congressman Carmelo 'Tarzan' Lazatin kung kailan lamang. Panauhin din si Cong Peping. Napaswerte akong naupo sa kaniyang mesa at nakahuntahan din naman matagal. Kabilang din sa mesa namin ay si Ray Dizon na dating kilalang sabungero at isang banyaga na si Bernard, ang nagmamay-ari ng Brettos, isang delicacy store sa may Don Juico Ave sa Lungsod Angeles.

'By the way Bernard, I want you to meet Congressman Cojuangco, the uncle of President Noynoy', buong siglang pagpapakilala ni Pareng Ray.

'No, I am Cory's brother', seryosong nagwika ang dating kongresista. Gulat. Namangha ako. At dagliang pumasok sa loob ko na mukhang may diperensiya ang namamagitan sa

Mag-kamaganak.

******

Naulanan ng ilang batikos sa mga ilang peryodiko sa Manila nitong Linggong ito ang Pangulong Noynoy. Si dating Senador Francisco 'Kit' Tatad ay nagsabing ang 'Aquino government is the most corrupt government compared to previous administrations'. Maaring marami ang di salpantaya sa kredibilidad ni Tatad, subali't pwede nating tanungin mga ilang kababayan kung may katotohan ito.

O kaya pwede nating limiin ang mga pahayag ni Senador Miriam Defensor Santiago. Sa ganang kay Senadora Miriam, hindi nawala ang PDAF at DAP sa mahigit na dalawang trillion annual budget na inapruba ng Kongreso at Malacanang. Itinago lang ito sa bagong pangalang 'lumpsum appropriation'.

*****

Kaya mga kababayan, huwag kayong maniwala na nawala na ang PDAF ng inyong congressman. Mayroon yan. Sa aking sariling imbestigasyon, pati iyong pera sa National Expenditure Program (NEP) ay pinakikialaman ng mga congressmen basta't ang proyekto ay nasa kanilang distrito. Hindi nawala ang SOP. Baka bumaba lang kikil pamula sa kwarenta , bumaba sa treinta porsyento.

Nakabwisit nga arte ng mga ilang kongresista na nagmamaangan pa, sabay kamot ulo, kunwari malungkot at diretso ang tingin sa iyo at bubulalas ng 'kawawa naman kami, wala na ang PDAF namin.' Lokohin ninyo ang lelong ninyong panot!

Trending

No stories found.

Just in

No stories found.

Branded Content

No stories found.
SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph