Sangil: Huwag ng ipadala ang kababaihan sa Middle East

Published on

GALIT si Pangulong Duterte. Ipinagbawal na niya ang pagpapadala ng mangagawa sa bansang Kuwait.

Tama rin naman na ipagbawal niya dahil kasi sa sobrang pang-aabuso sa ating mga kababayan, lalo na sa mga kababaihan.

Halos yata lahat ng bansa sa Middle East ay may mga pang-aabusong nagaganap.

Sa ganang akin kailangan ipagbawal na ng ating gobyerno ang pagpapadala ng domestic helpers sa mga Middle East countries.

Ang bansang Indonesia, Shri Lanka, Ethiopia tinigil na ang pagpapadala ng OFWs. Noong panahong si Ka Blas F. Ople ang siyang Secretary of Labor, ang naging patakaran niya ay ipadala ang mga kalalakihan.

Mga laborers, mason, steel men, carpintero, inhinyero at iba pa. Sila kasi mga lalaki at pagkatapos sila’y naninirahan sa isang kampo at sila sila lang, samantalang isang Pilipina ang maging katulong sa isang pamilya kunwari ng Arabo, sa malamang matutukso ang lalaking amo.

At doon mag-uumpisa ang gusot lalo na kung magseselos ang among babae.

Alam natin na isang suliranin ngayon ay ang kakapusan ng oportunidad na makahanap ng matatag na hanapbuhay.

May mga trabahong mapapasukan subali't hindi pangmatagalan at hindi permanente.

Pagkatapos ng limang buwan, ENDO na.

Ang nakakalungkot, ipinangako ni Pangulong Duterte noong kampanya na tatangalin niya ang ganitong uri ng relasyon ng mga kumpanya sa kanilang mangagawa. Pero nag-sommersault si Pangulong Digong.

Nasali na sa bokabularyo ang salitang endo, na ang ibg sabihin ay End of Contract. Marami sa mga kabataan, tapos sa kolehiyo, ang namamasukan at pagkatapos ng ilan buwan, pahinga, pwedeng bumalik sa dati o maghahanap ng ibang kumpanya. Pero ganoon pa rin. Limang buwang pamamasukan. Ito na ang sistema sa kasalukuyan na kailangan ng baguhin.

Noong mga dekada singkwenta, sisenta at hanggang sa panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos, ang mga trabahador sa mga planta, mga despatsadora sa mga tindahan, mga empleyado sa mga tanggapang pribabo at sa iba't ibang uri ng hanapbuhay ay may security of tenure.

Halimbawa ang isang pahinante ng trak ng San Miguel Corporation pag natanggap bilang trabahador, bibilang na siyang taon hanggang sa maabot ang itinakdang edad sa pag-retiro. May mga benepisyong kamukha ng isang kabang bigas kada buwan, may Social Security System membership at iba't iba pang insentibo.

Hindi lang ang San Miguel Corporation ang may ganoong batas na sinusunod, kung hindi lahat ng negosyo, malaki o maliit man ay sunod sa batas ng Kagawaran ng Paggawa. Ganoon ang sistema. Ganoon ang kalakaran, hanggang isang araw bigla na lang nagbago at mga hanay ng mangagawa ay hindi todo nag-ingay para labanan ang sistemang umiiral ngayon sa ganang akin ay ANTI-POOR!

Isa ako sa maraming peryodista na pahingaan ang mga coffee shops sa mga malaking malls dito sa San Fernando at sa Angeles. At may pagkakataon magka-minsan na makausap ang mga empleyado ng malls nila Mr. Henry Sy, Mr. Lucio Co at Mr. John Gokongwei. Pare-pareho ang hinaing ng mga empleyado. Walang security of tenure. Mahirap mapermanente kahit gaano ka kagaling.

And dahilan lang na kung bakit niyakap na ng mga kompanya dito sa atin ang ganitong kalakaran ay sa dahilang kapag ang isang mangagawa ay naging permanente ang status, ang mga benepisyong naka-akda sa ilalim ng Labor Code ay kailangan ng ibigay sa empleyado, lalong lalo na iyong separation pay. Malaking gastusin iyon para sa kompanya. Kailangan na talagan putulin itong ganitong kalakaran. Ika nga ng mga militante, ‘kung hindi ngayon, eh kailan?’

Trending

No stories found.

Just in

No stories found.

Branded Content

No stories found.
SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph