Sangil: SM Telabastagan magdudulot ng matinding trapiko

Published on

AYON sa Japan International Cooperation Agency (Jica) P3.5 bilyon kada araw ang halaga at nawawalang oportunidad sa bansa dahil sa matinding trapiko. Talaga yata ng wala ng makikitang solusyon sa paano maaibsan ang sitwasyon sa trapiko halos sa lahat ng mga malalaking bayan, lungsod at lalo na sa kalakhang Maynila.

Noong nakaraang taon pa tinatalalakay, at pag-upong upo pa lang Pangulong Duterte na tinatalakay bilang isyu ang problema sa trapiko. Ang taong bayan, lalo na yaong mga taga Metro Manila at mga naninirahan sa mga lungsod at malalaking bayan ay kiling sa pagsuporta sa pwedeng mabigyan ang pangulo ng isang emergency powers. Isang taon na ngang nakabimbin ang usaping ito sa kongreso.

Kaso mo mukhang maisasa tabi na naman ang usapan tungkol sa isyung ito. Maraming sukat talakayin ang kongreso gaya kung ipagpaliban ba o hindi ang barangay elections. Inuna pa ang and batas tungkol sa diborsiyo o annulment sa kasal ng mag-asawa.

Mabalik lang sa isyu ng trapiko. Napakalaking perwisyo sa ekonomiya ang masikip na daloy ng ating mga kakarsadahan, kung hindi minsan ay siyang pinagmumulan ng maraming away. Mga road rage. Kung minsan pa nga nagkakamatayan. Mga nawalang oportunidad sa negosyo o sa trabaho. At ang matindi ay ito ang siyang pinagmumulan ng sakit sa maraming kababayan. Nakaka-stress. Wala na tayong masyadong naririnig na solusyon na dati halos araw araw na lang nasa peryodiko o sa telebisyon ang kalihim ng transportasyon na si Secretary Arthur Tugade.

Mga mananakay na sukat sa MRT o LRT sumakay ay kailangan maagang pumila at hindi nakakasiguro kung aabot sa destinasyon, dahil laging aberya ang mga tren. Hindi ba pangako ni Department of Transportation na aayusin ang trapiko sa loob ng anim na buwan? Saan na ? Aayusin daw ang mga tren. Saan na? Halos dalawang taon na ang pangakong yan. Pangakong napako.

Salamat naman sa Lungsod San Fernando, Angeles at Mabalacat ay manaka naka lang nararanasan natin sa trapiko kung ihahambing sa nararanasan ng motorista at mananakay sa kalakhang Maynila. Pero kailangan maghanap pa rin ng agarang solusyon dahil parami ng parami ang mga sasakyan. Ngayon pa lang pinaghandaan na yan. Kung kailangan palaparan ang mga karsada, paaral sa eksperto ang daloy ng trapiko at higit sa lahat ipatupad ang mga batas at kailangan magkaroon ng disiplina. Hindi kung saan saan na lang hihinto, magbaba at maghihintay ng pasahero. Baguhin na natin yan.

Heto pa ang isang nakaambang problema dito sa pagitan ng Lungsod Angeles at San Fernando. Nagtayo ng isang super mall ang SM sa may barangay Telebastagan na ilang dipa lang ang layo sa Macarthur Highway. Ngayon pa lang nagkakaroon na ng matinding trpik sa lugar na yan lalo na kung tinatawag nating rush hour. At ano pa kaya mag-umpisa na ang mga daang daang negosyo sa nasabing mall. Sukat kung ano mang infrastraktura para maibsan ang nakaambang malaking fusot sa trapik sa nasabing lugar pinaghandaan na. Hindi yaong pag bukas na ang mall at saka kikilos ang sukat kumilos noon pa sana.

SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph