Sapnu: E-trike parang kabuteng naglipana sa highway?

MUKHANG hindi na ma-control ng mga otoridad ang paglipana ng mga E-Trike sa City of San Fernando.

Sa paglipana ng mga E-Trike, ang mga motorized tricycle ay natatalo na rin sa kanilang “business.”

Maging ang mga Kalesa ay iilan na rin ang pumapasada dahil sa paglipana ng mga E-Trike.

Matatandaan, ang Kalesa ang unang pumapasada sa City of San Fernando at iyon na rin ang nakagisnan ng mga Fernandino/Fernandina na transportasyon mula sa Poblacion patungon sa ibang barangay sa lungsod.

Kaya naman sa pagdami ng mga E-Trike na parang kabute sa lungsod unti-unting nawawala na ang Kalesa sa lungsod.

Buti pa ang mga kalesa ay hindi sila bumabagtas sa kahabaan ng Mc Arthur highway at Jose Abad Santos Avenue nguni’t ang mga E-Trike ay makikita mo tumatakbo sa highway maging sa gabi.

Kung minsan ay ang mga ito ay galit pa kapag sinita mo sa pagtakbo nila sa highway na kung tutuusin ay bawal na bawal ang mga ito na bumagtas sa pangunahing kalsada.

Ilang beses nakita ng Inyong Lingkod ang mga E-trike na tumatakbo sa Mac Arthur highway upang ihatid nila ang kanilang pasahero at umaabot pa hanggang sa Barangay Sindalan.

Ang mga E-Trike ay nakikipagtunggali na rin sa mga motorized tricycle na kumukuha ng kanilang mga pasahero sa Barangay Sto. Rosario sa lungsod.

At mukhang mas marami pa sila (E-Trike) ngayon sa mga motorized tricycle na pumapasada.

Ang mga drayber pa naman ng mga E-trike ay pawang walang lisensya ang mga ito dahil tatlong gulong lang ang mga ito at hindi rin nakarehistro.

Paano kaya kung madisgrasya ang mga ito sa highway, sino kaya ang mananagot sa mga pasahero? Nagtatanong lang po…

Hayaan pa ba natin may mangyari sa kanila (E-Trike) bago umaksyon ang kinauukulan…

Sino naman kaya ang nagbigay ng “permit” na maaaring mamasada ang mga E-Trike sa lungsod? Nagtatanong lang po...

Trending

No stories found.

Just in

No stories found.

Branded Content

No stories found.
SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph