Sapnu: Imahe ng PNP, nabahiran

Published on: 

Sa pagkakasangkot ng tatlong pulis sa isang robbery/holdup na naganap noong Hulyo 8 sa Barangay Sua, Masantol, Pampanga, nabahiran na naman ang imahe ng PNP.

Ito ang sambit ng isang police officer sa Dateline matapos nalaman nito ang ginawang panghohold-up ng tatlong pulis sa isang kolektor ng Talete King Panyulung Kapampangan sa nabanggit na barangay.

Matatandaan noong July 8, hinoldup si Jovelyn David, kolektor ng Talete King Panyulung Kapampangan ng dalawang armadong lalaking nakasuot ng black jacket.

Si David ay kasalukuyang nangongolekta sa Masantol sakay ng hindi nabatid na behikulo nang siya'y harangin at holdapin.

Tinukan si David ng isang suspek nguni't sa pagbunot nito ng kanyang baril ay nalaglag ang kanyang cellular phone.

Hindi nakita ni David ang nasabing cellphone na nahulog, sa halip isang passerby ang nakapulot at ibinigay ito sa awtoridad.

Sa pamamagitan ng cellphone, na-trace si PO1 Dan-Lee Mamangun na may-ari ng cellphone.

Kaya naman hinanap kaagad ng pulisya si Mamangun na kung saan nakita nila ang motorsiklong ginamit ng mga ito.

Sumunod na sumurender si Mamangun sa PNP Criminal Investigation and Detection Group sa Camp Crame, Quezon City, na kung saan nagbigay ito ng "statement" at idinawit nito ang kasama niya noon na si PO1 Mark Ryan Manalo.

Kanya ring idinawit si Senior Inspector Renato Tabilisma, deputy chief of police ng Masantol Police. Ayon kay Mamangun, si Tabilisma umano ang nagplano.

Bilang aksyon, sinampahan kaagad sa korte ang tatlong nabanggit na PNP personnel kasama ang isang John Doe sa sala ng Provincial Prosector's Office, ayon kay Senior Superintendent Oscar Albayalde, Pampanga police provincial director.

Sina Mamangun at Manalo ay kapwa miyembro ng Sta. Ana police.

Si Mamangun ay nakakulong ngayon sa Masantol Police Station, si Manalo ay restricted sa Sta. Ana Police, samantalang si Tabilisma ay nasa Pampanga Police Provincial Office under "restriction."

Nang tanungin ng inyong lingkod ang isang senior police officer sa Camp Olivas, sinabi niya na dapat lang idismis na sa serbisyo ang tatlong pulis dahil nakakasira ito sa "image" ng PNP.

Hindi raw karapat-dapat ang mga ito na maglingkod sa bayan, ayon sa senior police officer.

Bakit kaya sa CIDG Camp Crame sumurender si Mamangun? May padrino kaya siya doon? Nagtatanong lang po ang ilang police officers...

SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph