MULA nang maupo bilang bagong chief ng Highway Patrol Group3 (HPG3) si Superintendent Ferdinand Villanueva, ay kanyang pinaigting ang kampanya laban sa hijacking incidents sa Central Luzon.
Sang-ayon kay Villanueva, ang lahat ng pangunahing kalsada sa rehiyon ay kanyang pinapa-patrolya sa kanyang mga Highway Patrol Field Offices.
“Matindi ang ibinigay kong order sa kanila kung saan halos 24 oras sila nagpapatrolya sa kanilang area of responsibility,” aniya.
Sa national highway sa Pampanga ay mayroong tatlong HPG mobile patrol units; sa Tarlac dalawa; sa Bataan dalawa; isa sa Zambales; dalawa sa Nueva Ecija; at tatlo sa Bulacan.
Sa pamamagitan ng pagpa-patrolya ng tauhan sa nabanggit na mga lalawigan ay inaasahan na masusugpo ang hijacking incidents sa Central Luzon, at maging ang carnapping na lumala nitong nakaraang buwan ay pinipilit mahuli ang mga karnaper, pahayag ni Villanueva sa Dateline.
Nang tanungin kung paano masusugpo ang pagnanakaw ng mga motorsiklo sa iba’t ibang dako ng lalawigan, kanyang pinayuhan ang mga may-ari na iparada ang kanilang motorsiklo sa safe na lugar at tiyakin na properly locked ito.
Ganito rin ang ipinayo ni Villanueva sa mga delivery trucks, na iparada ang mga ito sa maliwanag at mataong lugar kagaya sa mga gas stations upang hindi ito ma-hijack ng mga lawless elements.
Sinabi pa ng bagong upong chief ng HPG3 na mayroong dalawang grupo ng carnapping syndicates na nag-ooperate kasalukuyan sa Central Luzon. Hindi naman nito binanggit ang pangalan ng dalawang grupo.
Sa termino ni Villanueva sa HPG3, kanyang pag-iigtingin pa ang kampanya laban sa karnaping at hijacking incidents sa kanyang area of responsibility.
Noong September 2 naupo bilang bagong chief ng HPG3 si Villanueva at kanyang pinalitan si Senior Superintendent Amador Corpus na itinalaga sa HPG National Police Headquarters sa Camp Crame.
Massacre, Malapit na Malutas?
Hindi nagpapabaya ang Special Investigation Task Group (SITG) Edejer sa kasong masaker.
Ito ang ipinahayag ni Senior Superintendent Oscar Albayalde, Pampanga police provincial director. Sinabi nyang patuloy pa rin ang trabaho ng task group upang agarang malutas ang masaker ng pitong katao sa L&S Subdivision, Barangay Telabastagan, City of San Fernando.
Katunayan nga, dalawang beses sa loob ng isang linggo nagsasagawa ng case conference ang mga miyembro ng STIG Edejer upang i-consolidate nila ang mga nakalap na impormasyon ukol sa masaker.
Sang-ayon pa kay Albayalde ang abugado ng mga Edejer ang lumapit sa National Bureau of Investigation (NBI) sa Manila at hindi ang mga relatives ng mga biktima.
Ang mga relatives ng mga biktima ay patuloy pa ring nakikipag-ugnayan sa Pampanga Police lalo na sa task group na naatasan tumutok sa masaker, ayon pa kay Albayalde.
Lahat ng mga inimbithan ng task group na maaring suspek sa masaker ay kanilang ibinibigay sa PNP Criminal Investigation and Detection Unit3 na nakabase sa Camp Olivas upang doon nila kunin ang bawat statement ng mga ito.
Sang-ayon pa kay Albayalde malapit na maresolba ng task group ang masaker.