ANG MAGING BABAE SA PANAHON NATIN NGAYON (Unang bahagi)

SunStar Soto
SunStar Soto
Published on

Para sa nalalapit na pagtatapos ng pagdiriwang ng National Women’s Month, isinulat ko ang artikulong ito para sa lahat ng mga kababaihang hindi napapagod, hindi sumusuko, at patuloy na nakikilahok at nag-aambag ng kanilang, galing, puso, at kasanayan para sa ikakauunlad ng bawat pamayanan na kanilang kinabibilangan, at sa mas malawak na saklaw, para sa ating bansa na kasalukuyang dumaranas ng iba’t ibang uri ng mga suliranin kung saan sangkot ang kapakanan at katauhan ng mga kababaihan at ng kanilang mga mahal sa buhay.

***

Mga ilang taon o halos mahigit isang dekada na ang nakalilipas nang maganap ang mga sumusunod na mahahalagang pagbabago sa pagtrato sa mga kababaihan sa mga sumusunod na bansa. Sa AFGHANISTAN, pinahihintulutan na ang mga kababaihan na mag-aral sa eskuwelahan. Sa India naman, naisabatas na ang pagbabawal sa tinatawag nilang "bride burnings". Sa Ethiopia naman, ang mga kababaihan sa Africa at ang mga unang ginang ng Burkina Faso, Nigeria, Mali, at Guinea ay nagtipon-tipon para kondenahin at mag-protesta sa pagtanggal sa ari ng mga batang babae ("genital mutilation") na matagal ng gawain sa dalawapu't walong bansa sa Afrika at sa Gitnang Silangan. Sa Estados Unidos naman, ang mga kababaihan ay kasalukuyan pa ring nakikipaglaban para sa pagsuporta sa kapakanan at kapakinabangan ng mga "single mothers", para sa mga "day care programs" para sa anak ng mga naturingang "single mothers", para sa pantay na pasahod o "wage equity", at para sa pantay na suportang pinansyal sa "women’s sports" kagaya ng sa mga kalalakihan. Saan mang dako ng daigdig ngayon, naghahanap pa rin ang mga kababaihan ng kanilang tinig sa pampublikong kaganapan.

Samantala, ang mga kalalakihan sa maraming panig ng daigdig ay nagbabanta ng pangmaramihang pagkitil ng buhay at karapatan sa ngalan ng pambansang kasarinlan at pagtatanggol sa karapatan. Mahigit dalawang daan at limampung digmaan ang naganap ngayon lamang sa ikadalawampung siglo, at karamihan sa mga ito ay may kinalaman sa usaping pang-relihiyon. At ang lahat ng ito ay maliwanag na kasalanan laban sa sakramento at kabanalan ng buhay. Anong mali sa lahat ng mga ito? Anong mali sa atin? Nakatayo tayo ngayon sa bingit ng pagkaubos ng sangkatauhan habang ipinagmamalaki natin na hinahanap natin ang Diyos ng buhay.

Ipinangangalandakan at ginagamit natin ang relihiyon bilang katwiran at pagbibigay katarungan para apihin ang iba pang mga relihiyon. May mas malinaw pa kayang katibayan kaysa sa mga ito na ang ating pagkakaiba-iba at hindi pagkakasundo-sundo ay hindi naman talaga tungkol sa relihiyon kundi sa ngalan ng relihiyon, ngunit nakaugat naman sa katwiran na lumalapastangan mismo sa tunay na diwa at kabuluhan ng relihiyon?

Ang tanong na ito ay biglang pumaimbabaw sa aking isipan nang mabasa ko nga ang tanong na in-email sa akin ng kaibigang babae na kasalukuyang nagtuturo ngayon sa Amerika: "Anong nga bang mga handog ang maibibigay ng mga kababaihan ngayon habang kasalukuyang nakikipagbuno ang sangkatauhan sa paghahanap ng kabuluhan sa kasalukuyan at humuhubog ng isang makabuluhang kinabukasan para sa mga darating pang mga henerasyon?" Hindi ko maaaring itanggi ang kahalagan ng tanong na ito para sa mga kababaihan sa panahon natin ngayon. Noong binubuno ko pa ang ilang taon kong pag-aaral, pananaliksik, at pagbabasa ng mga aklat tungkol sa peminismo, naisip ko na ang lahat ng mga mapanganib at lumalalang sakit at iwa-iwarang na ayos at anyo ng mga bagay-bagay sa ating lipunan ay pawang isang payak na sabwatan lamang ng puwersa ng mga kalalakihan laban sa mga kababaihan. Ngunit sa paglipas na panahon, nag-iba ang pananaw kong ito. Nagsimula kong makita ang iba't ibang isyu sa lente ng kapangyarihan at kahinaan ng kapwa mga kalalakihan at kababaihan, kagaya ng pagkaka-unawa ko sa isyu ng pagkababae o pagiging babae at pagkalalake o pagiging lalaki. Nagsimula kong mapagtanto na ang mga isyu ng "sexism", "racism", at "classicism" ay ilan lamang mga piraso ng tela na may iisang kulay, at naglitawan ang mga ito para mapanatili ang kapangyarihan sa mga makapangyarihan lamang. At batid ko rin na ang bawat isa sa mga isyung ito ay nag-aanak pa ng natatanging sistema ng pagpapahalaga, isang kakaibang pananaw sa pagtingin sa mundo.

At bilang sagot sa sarili kong tanong, malakas at matibay ang paniniwala ko na maraming maaaring maibigay ang mga kababaihan sa panahon natin ngayon. Mas alam ng mga kababaihan kung paano mamuhay sa buhay ng kababaang-loob, ng kapayakan, ng pagkahabag, ng pagpapakumbaba. Mas alam ng mga kababaihan kung paano batahin ang kawalan ng kalakasan para maghasik ng binhi ng pagbabago. Anuman ang mga katangian na taglay ng mga kababaihan kung bakit sila naiiba, ang mga ito ay kailangan ng mundo natin sa panahon natin ngayon. Ang matinding suliranin nga lamang na matagal ng kinahaharap at patuloy pa ring pinagtatagumpayan ng mga kababaihan ay ito: ang kanilang mga katangian, ang kanilang mga pinahahalagahan, ay hindi isinasaalang-alang ng mataas na kulturang mayroon tayo sa ating mga lipunan. Sabi ni Lynne Moberly sa kanyang akda, "In this culture, we don't value female servanthood; we don't care about niceness; we don't think things through, we force them through. If anything, what a woman is or has developed is simply overlooked. Or derided."

Trending

No stories found.

Just in

No stories found.

Branded Content

No stories found.

Videos

No stories found.
SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph