Nitong Araw ng Kalayaan, isang illegal "fuel depot" ang sinalakay ng mga awtoridad sa Barangay Prado Siongco, Lubao, Pampanga.
Magkasanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire of Protection (BFP) ang sumalakay sa nasabing illegal fuel depot.
Ayon kay Col. Jay Dimaandal, Pampanga police provincial director, ginawa nila ang pagsalakay matapos magreklamo ang mga residente doon dahil sa nalalanghap nilang kakaibang amoy tuwing gabi.
Inirereklamo din ng mga residente ang pagdaan ng mga truck sa kanilang barangay na kanilang ikinakabahala baka mayroon nangyayaring illegal activities sa kanilang lugar.
Isinalalim sa "surveillance" ng PNP ang nasabing reklamo ng mga residente at natuklasan nilang mayroon nangyayaring "illegal activities" sa nasabing barangay.
Dahil dito, isinagawa ng mga awtoridad ang pagsalakay sa dakong 2:55 madaling araw na kung saan aktong nahuli ang ilan mga suspek habang sinasalin ang "fuel" sa mga container.
Umaabot sa 32 large containers na may laman na fuel; dalawang metal tanks; dalawang pumps; 3,000 liters na petroleum; at isang tanker truck, ang nakumpiska sa isinagawang raid.
Sa imbestigasyon, isiniwalat ng naarestong mga suspek na mayroon din ibang "illegal fuel depot" sa Barangay Lourdes, Lubao at doon naaresto din ang iba nilang kasamahan. Narekober ng PNP ang 1,000 liter containers; mga walang na container; dalawang funnels; dalawang dump truck na ginagamit ng mga suspek sa pagdeliber.
Umaabot sa 16 mga suspek ang naaresto ng PNP at BFP na pawang taga Pampanga, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija at Manila.
Ang mga suspek ay nakadetini sa Lubao police station at sinampahan ng kaukulang kaso sa korte, ayon kay Col. Dimaandal.
Matagal na umano ang opersyon ng "illegal fuel depot" sa bayan ng Lubao at noong Huwebes lang nila natuklasan ng PNP. Ito'y dahil lamang sa reklamo ng mga residente doon.
Bakit kaya naman hindi alam ng mga Barangay Officials na mayroon nangyayaring illegal activities sa kanilang nasasakupan? Nagtatanong lang po.
Sino sino naman kaya kasama ng mga nahuling suspek ang kanilang "protector.? Nagtatanong lang po.