Ang isyu ng SunStar Pampanga noong Setyembre 5 ay nagbalita tungkol sa tatlumpung trak ng basura na inalis mula sa ilog sa Sta. Ana, Pampanga. Narito ang link sa artikulo: https://www.sunstar.com.ph/pampanga/30-trucks-of-waste-hauled-from-santa-ana-creek. Labis na nakababahala at lubhang nakalulungkot ang balitang ito! Hindi na kailangan pang ipaliwanag kung bakit. May utak naman tayo.
Ang ilog na minsang humuhuni ng mga kwento ng buhay at alaala, ngayo'y umuungol sa lalamunang barado ng mga plastik, bulok na tira-tira, at mga pangarap na itinapon ng lipunang binabalot ng kapabayaan. Kamakailan lamang, tatlumpung trak ng basura ang hinakot mula sa tubig nitong ilog, na isang nakakabahalang larawan ng kawalan ng malasakit, pagwawalang-bahala, at kabiguang sibiko.
Hindi lamang ito kuwento ng polusyon. Isa itong aral sa kolektibong kapabayaan, kung saan ang mga residente na tila walang kamalay-malay sa mga kahihinatnan ng kanilang pagwawalang-bahala at kawalang-malasakit, ay itinuturing ang ilog na parang walang katapusang tapunan ng basura. Ang dating mahalagang yaman ay naging isang ilog ng basurahan. At ang basura? Hindi lang pisikal kundi moral na basura, isang institusiyonal, at kultural na pagkabulok.
Ang mga lokal na opisiyal na palaging mabilis sa press release at photo ops, ngayo'y tila nagmamadaling magpaliwanag kung paanong nakalusot ang tatlumpung trak ng basura. Ang kanilang mga pahayag ay parang recycled na basura din: 'Iniimbestigahan na po namin,' 'Magpapatupad kami ng mas mahigpit na parusa,' 'Hinihikayat namin ang kooperasyon ng mga residente.' Ngunit ang ilog ay hindi nangangailangan ng mga pangako; ang kailangan nito ay proteksiyon.
Kasabuwat din ang mga residente. Ang pagtatapon ng basura sa ilog ay hindi isang beses na pagkakamali kundi isang nakaugaliang pagwawalang-bahala at kawalan ng pakialam. Iniisip nilang may ibang maglilinis, na kayang tanggapin ng kalikasan ang kanilang mga kasalanan, at na ang tubig ang magdadala ng kanilang pagkakasala. Ngunit ang mga ilog ay may ala-ala rin. Hindi sila nagpapatawad. Maraming ulit nang napatunayan ito ng kalikasan.
Ang mga ahensiyang pangkalikasan na may tungkuling pangalagaan ang ating mga ecosystem ay kadalasang huli na kung dumating at kumilos, mga natutulog sa pansitan, may dalang clipboard, regulasyon, at minsan ay trahedya ng pakitang-tao na matagal nang bumabalot sa burukrasya. Ang kanilang mga aksiyon ay reaksiyon lamang; ang kanilang mga babala ay nilulunod ng tunog ng mga basurang bumabagsak sa tubig. Pinag-uusapan nila ang 'sustainability' habang ang ilog ay sinasakal ng kabalintunaan.
At paano naman ang edukasyon? Paano ang pananagutang sibiko? Itinuturo sa mga paaralan ang pagre-recycle sa teorya, habang sa komunidad ay ugali na ang pagtatapon. Ang mga opisyal ng barangay ay nag-o-organisa ng mga clean-up drives na parang palabas sa entablado, may magkakaparehong t-shirt, banner, at meryenda, ngunit bihirang talakayin ang ugat ng problema: isang kulturang ang kahulugan ng kalinisan ay pagtatago ng kalat at basura!
Ang media, sa kabila ng lahat, ay nagbigay ng babala. Ngunit ang mga headline ay kumukupas din, at ang galit ay tumatagal lamang habang trending ang paksa. Lilinis ang ilog, kukunan ng larawan, at muling makalilimutan hanggang sa susunod na pagbaha na muling maglalantad ng panibagong patong ng kapabayaan ng mamamayan. Patuloy ang siklo, gaya ng ilog na muling bumabalik sa sariling polusyon.
At ang ilog? Naghihintay. Naghihintay ng pagtubos, ng respeto, at ng henerasyong makakakita rito hindi bilang tapunan kundi bilang buháy na nilalang. Naghihintay ng mga lokal na pinunong totoong kumikilos at may pakialam, hindi lang nagpapa-picture; ng mga mamamayang nagmamalasakit, hindi lang nagre-reklamo. Naghihintay ng araw kung kailan ang tatlumpung trak ng basura ay magiging pambansang kahihiyan at hindi lokal na abála.
Hanggang sa araw na iyon, ang Santa Ana Creek ay nananatiling bantayog, hindi ng kalikasan, kundi ng kapabayaan. Isa itong salamin na nakaharap sa ating lipunan, nagpapakita ng ating mga itinatapon at kung anong uri ng mamamayan meron tayo: BASURA!
Sa literal na kahulugan, ito ay basurang bunga ng kapabayaan, isang maruming kinabukasan, at isang ilog na pinagtaksilan ng mamamayan at ng lokal na pamahalaan.