ISANG PAGNINILAY SA USAPIN NG PAX SILICA

SunStar Soto
SunStar Soto
Published on

Isa sa pinakamabibigat na argumento laban sa Pax Silica ay nakaugat sa isang mahalagang prinsipyong etikal: ang pagiging legal ay hindi nangangahulugan ng pagiging moral. Maaaring legal na makipagkasundo ang mga pamahalaan sa mga internasyonal na tratado, magtatag ng mga economic zone, bumili ng lupa, magbigay ng mga insentibo sa mga dayuhang mamumuhunan, at muling hubugin ang direksyon ng mga pambansang industriya. Subalit ang katotohanang pinahihintulutan ito ng batas ay hindi awtomatikong nangangahulugang tama, makatarungan, o makabubuti ang isang kasunduan.

Maaaring maitatag ang Pax Silica sa pamamagitan ng mga kasunduan sa pagitan ng mga soberanong estado at alinsunod sa mga umiiral na batas hinggil sa pamumuhunan, kalakalan, at pambansang kaunlaran. Ngunit gaya ng binibigyang-diin ng mga kritiko, ang higit na mahalagang tanong ay hindi lamang “Maaari bang gawin ito ng pamahalaan?” kundi “Nararapat bang gawin ito ng pamahalaan?” Hindi lahat ng puwede at maaari ay dapat magwagi. Mahalaga ang pagkakaibang ito sapagkat sa buong kasaysayan ng mga kasunduan, maraming hakbang na ganap na legal ngunit kalaunan ay napatunayang hindi etikal at moral, hindi makatarungan, o mapaminsala sa mga pamayanan.

Isa sa mga pangunahing pangamba tungkol sa Pax Silica ay ang posibleng epekto nito sa kapaligiran at sa likas na yaman. Ang mga data center, paggawa ng semiconductor, at pagmimina o pagkuha ng mahahalagang mineral ay nangangailangan ng napakalaking konsumo ng enerhiya, tubig, at lupa. Kahit pa nakakuha ang mga proyektong ito ng lahat ng kinakailangang permit at sumusunod sa mga regulasyong pangkalikasan, nananatili pa rin ang moral na pananagutan na pangalagaan ang kalikasan para sa mga susunod na salinlahi.

Maaaring itakda ng batas ang pinakamababang pamantayan ng pagsunod, ngunit itinatanong ng moralidad kung sapat na ba ang mga pamantayang ito upang pigilan ang hindi na maibabalik na pagkasira ng kapaligiran at ng kalikasan. Sa pananaw ng mga kritiko, hindi ligtas sa pananagutang moral ang mga gumagawa ng polisiya dahil lamang sa nasunod nila ang mga tuntunin, kung ang tunay na halaga ay babayaran ng mga komunidad at ng kalikasan mismo.

Mayroon ding maselang usapin ng soberanya at karapatan ng isang bayan sa sariling pagpapasya. Naniniwala ang mga tagasuporta ng Pax Silica na makatutulong ito sa pag-unlad ng teknolohiya at ekonomiya. Gayundin, nangangamba ang ilang kritiko na maaari nitong ilagay ang mga umuunlad na bansa, kagaya ng Pilipinas, sa mas mababang puwesto sa loob ng pandaigdigang supply chain na pangunahing dinisenyo at pinamamahalaan ng mas makapangyarihang mga ekonomiya.

Hindi naman labag sa batas ang pagpasok sa isang kasunduang maaaring maglimita sa estratehikong awtonomiya ng isang bansa o magtalaga rito ng papel na nakabatay sa pagdepende sa iba. Subalit kahit legal, maaari pa rin itong magbukas ng seryosong usaping moral hinggil sa dignidad, pagkakapantay-pantay, at pambansang pagpapahalaga at kasarinlan.

Itinuturo rin ng prinsipyong etikal ng katarungang pamamahagi (distributive justice) na suriin kung sino ang nakikinabang at sino ang napipinsala. Maaaring magdala ang Pax Silica ng bilyun-bilyong dolyar na puhunan at magtataas ng gross domestic product (GDP) ng bansa. Sa pananaw ng batas at estadistika, maaari itong ituring na tagumpay sa larangan ng kaunlaran. Ngunit nananatiling bukas ang mga tanong na moral. Makikinabang ba rito ang mas maraming karaniwang Pilipino sa makabuluhang paraan? Magkakaroon ba ng disenteng trabaho, paglipat ng teknolohiya, at pangmatagalang kasaganaan para sa mga lokal na pamayanan? O mauuwi ba ang karamihan ng benepisyo sa mga multinasyonal na korporasyon at makapangyarihang elite, habang ang mga mamamayan ang sasalo sa mga gastusing panlipunan at pangkapaligiran?

May mga proyekto na maaaring maging matagumpay sa papel at ayon sa batas, ngunit nananatiling mali sa pananaw ng moralidad dahil hindi patas ang paghahati ng mga pakinabang at pasanin. Hindi lahat ng puwede sa batas ay palaging patas.

Sa mas malalim na antas ng pagsusuri, ang tunay na layunin ng kaunlaran ay hindi lamang palaguin ang ekonomiya kundi pagandahin ang buhay ng karamihan. Ang pananaw na nakatuon lamang sa batas ay tumitingin sa mga kontrata, permit, lisensya, at mga pangakong pamumuhunan. Ang pananaw na moral naman ay nagtatanong: Mas magiging malaya ba ang nakararaming tao? Mas magiging malusog, mas ligtas, at mas marangal ba ang kanilang pamumuhay? Kung ang mabilis na pag-unlad ng teknolohiya ay makakamit kapalit ng kapakanan ng komunidad, pagkasira ng kalikasan, pagkitil sa cultural identity, o paghina ng demokratikong pakikilahok, hindi sapat na dahilan ang pagiging legal nito upang tawagin itong makatarungan.

Ito ang diwa ng bantog na pahayag ni San Agustin: “An unjust law is no law at all.” Ang prinsipyong ito ay kalaunang pinagyaman nina Santo Tomas de Aquino at Dr. Martin Luther King Jr. Para sa kanila, ang batas ay dapat magsilbi sa katarungan at sa kabutihan ng mas nakararami. Kaya kahit legal ang Pax Silica, dapat pa rin itong pumasa sa mas mataas na pamantayang etikal: paggalang sa tao, pangangalaga sa nilikha, pagsusulong ng tunay na pambansang pag-unlad, at makatarungang pamamahagi ng mga pakinabang.

Ang paninindigan na “hindi lahat ng legal ay moral” ay isang paanyaya na huwag malunod sa mga teknikalidad ng batas. Hinihikayat nito ang mga mamamayan na timbangin ang mas malalalim na implikasyong etikal at moral na kaugnay ng Pax Silica. Ang tanong ay hindi lamang kung ito ay legal kundi kung ito ay makatarungan, nagpapanatili, patas, at tunay na makabubuti para sa kasalukuyan at mga susunod na salinlahi. Sa isang demokratikong lipunan, ang legalidad ay dapat magsilbing panimulang punto ng pagsusuri ng publiko at hindi ang pinakahuling pamantayan nito.

Ang isang inisyatiba ay maaaring ganap na naaayon sa batas, ngunit maaari pa ring mabigo sa mas mataas na pamantayan ng moralidad.

SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph