Sa unang tingin sa mga nakalipas na pangyayari sa nagdaang mga araw, marahil ay hindi natin maiwasang itanong ang mga ito: “Gaano kabilis amagin ang keso?” “Kailan at bakit ng aba inaamag ang keso?”
Ayon sa mga eksperto, ilang araw lamang ang bibilangin. Sa perpektong kondisyon, aabot ng lima hanggang sampung araw bago ang unang ispora ay lumitaw. Parang pulbura, nangingibabaw ang pinakamaliit na latak kapag may init at halumigmig. Walang sinasanto: keso’t senador, pareho agad tinutuluyan ng amag kung pabaya ang pangangalaga (sa keso at sa contractor, o ng keso sa contractor).
Ang unang tinukoy ng agham sa pag-amag ng keso ay ang antas ng kahalumigmigan at temperatura. Kung malamig sa loob ng refrigerator, mas mabagal ang pag-amag; kung maalinsangan naman, mas mabilis na dadami ang berde’t asul na batik sa balat ng keso. Kasabay nito, gumagapang ang pagbibiro ng mga matitinik na mamamahayag: “Kung keso, medyo matatag; kung senador, kayang-kayang mas lumala ng amag sa isang sesyon lang. Lalo na kung may ngipin na kagaya ni Rep. Chel Diokno ang mag-aalis ng balat ng keso.”
Hindi kinailangan ang tatlumpung milyong taon para sa isang sagot na mahigit pa sa tatlumpung milyong piso ang halaga! Dito uminit ang temperatura sa paligid ng keso. Dito na siya lalong tumawag ng amag na nagsimula pa noong pagkatapos ng archiving ng impeachment case ni VP Sara. Nakisama ang amag sa keso. Hindi rin naging ganoon ka-forthwith ang paglala ng amag sa keso. Ngunit hindi na rin naman nagtagal at natuluyan na ring amagin ang keso sa kusina ng senado.
Ngayon, balikan natin ang tanong: “Kailan at bakit nga ba inaamag ang keso?”
Pinagagalaw ng natural na proseso ng permentasyon at pagkabulok, na tumitindi sa tuwing ang mga lumang piraso o tira sa keso ay napabayaan nang mas matagal kaysa sa hinihingi ng siyensiya at ng masa. Ganito rin ang kuwento ni Senator Chiz Escudero. Pagkatapos ng ilang buwan ng mainit na usapin sa paghawak niya sa impeachment trial ni Vice-President Sara Duterte at sa kaniyang koneksiyon sa malaking kontraktor, hindi na naitaboy ang amag ng duda at ang prusisyon ng opinyon ng publikong nakatuon ang pansin sa Senado… lalo na sa keso.
At nang sumapit ang ika-walo ng Setyembre, nawala na ang pag-aalinlangan. May umusbong na bagong kolonisador ng amag: si Senador Vicente “Tito” Sotto III. Sa unang pagkakataon pagkatapos ng ilang linggong usapan, nakalikom siya ng labing-limang pirma upang ideklara ang pagpapatalsik-puwesto kay Sen. Chiz Escudero, kasingbilis ng unang pagputok ng isporang lason sa keso, sa kadahilanang kailangan nang ilabas ang keso sa refrigirator. Masyado na siyang naging presko sa loob ng refrigerator na kinalalagyan niya.
Kung kaya’t kagaya ng kesong may itinatagong baho, sumubaybay din ang publiko sa Senado sa usaping anomalya sa flood control projects na konektado kay Lawrence Lubiano, ang donor ni Escudero na nagkaloob ng P30 milyon sa kampanya, at ngayo’y isa sa mga pinakamatinding pinagkukunan ng batikos sa Blue Ribbon Committee.
Sa paglisan sa trono ng Senado ni Senador Chiz Escudero, naglabas siya ng maamong manifesto: “Walang anumang sama ng loob,” aniya, habang pinapurihan ang Senado sa pagpasa ng mga batas at pagsisiwalat ng katiwalian. Humalakhak man ang ilan, ginamit naman niyang halimbawa ang kaniyang “huling akto” sa paglagda sa contempt order kontra sa isang district engineer na mas nagsilbing isang alegorya ng kesong pinrito sa init ng paghihimagsik laban sa katiwalian.
At sa huli, paano nga ba mapipigilan ang amag sa keso, at paano rin maiiwasan ang amag sa Senado? Linisin ang estante, palitan ang temperatura, at siguraduhing walang nalalabing butil ng pananalbahe at tira-tirang-keso ng pagtataksil sa masa. Sa politika, kagaya ng keso, kailangang may tuloy-tuloy na pagmo-monitor, may tunay na transparency, at ang pagtitiyak na wala ng bahid ng pagiging arogante sa istante ng senado upang hindi maghasik ng lumot ang sistema.
Sa isang masiglang pagtatapos, ang metapora ng keso’t amag ay nagsisilbing paalala: kung pababayaan ang iilan, agad silang gagalaw sa mga puwesto. Ngunit kung palagiang lilinisin at pangangalagaan nang buong ingat, maiiwasan ang amag; at ang Senado, kagaya ng keso, ay mananatiling sariwa at mataas ang lasa para sa sambayanan.