Sa unang sandali pa lamang ng Only We Know, dama na agad ng isang matining na manonood ang katahimikan na tila ba isang paanyaya sa pagninilay. Hindi ito ang uri ng pelikulang sumisigaw ang damdamin; sa halip, ito’y isang banayad na bulong, ngunit tumatagos. Sa panulat at direksyon ni Irene Emma Villamor, ang pelikula ay naging isang mapagpakumbabang pagninilay sa pag-ibig, pagkawala, at sa tahimik na lakas ng muling pagtanggap pagbubukas sa sarili.
Ang tema ng pelikula ay hindi bago, pag-ibig sa gitna ng pagdadalamhati, ngunit ang paraan ng pagkukuwento ay bago sa panlasa ng marami. Si Betty, isang retiradong propesor ng panitikan, ay ginampanan ni Charo Santos-Concio nang may kahinahunan at lalim na humahanga kong nasaksihan. Samantalang si Ryan, isang inhenyerong balo, ay binigyang-buhay ni Dingdong Dantes sa isang pagganap na puno ng kinikimkim na dalamhati. Ang kanilang kwento ay hindi isang paglalambingan, kundi isang paglalakbay ng dalawang kaluluwang sugatan na muling natutong magbukas sa sarili at sa mga posibilidad, muling natutong magmahal.
Ang iskrip ni Villamor ay isang obra ng pagpipigil. Walang labis, walang kulang. Bawat linya ay tila hinugot mula sa tunay na karanasan na hindi para magpakilig kundi para magpagaling. Ang mga katahimikan sa pagitan ng mga salita ay nagsilbing espasyo para sa damdamin. Sa isang eksena, nang bahagyang magdikit ang kanilang mga kamay, tila ba buong kasaysayan ng kanilang sakit ay naipasa sa isa’t isa. Doon mas nauunawaan na ang tunay na pag-ibig ay hindi palaging malakas ang tinig, minsan ito’y isang buntung-hininga lamang.
Si Charo Santos-Concio ay isang institusyon sa larangan ng pag-arte, ngunit sa pelikulang ito, siya ay naging si Betty na hindi artista, kundi isang babaeng muling natutong huminga nang may pag-asa. Ang kanyang mga mata ay puno ng alaala, ang kanyang mga kilos ay may bigat ng maraming taon nang paglalakbay mag-isa. Sa bawat pagngiti niya, dama agad ang pag-aalinlangan, ang takot, at sa huli, ang pag-asa.
Si Dingdong Dantes naman ay isang rebelasyon sa pelikulang ito. Malayo sa kanyang mga nakasanayang papel, dito ay pinili niyang maging tahimik, mapagkumbaba, at totoo. Ang kanyang Ryan ay hindi perpekto dahil siya ay sugatan, may bitbit ng pagkabagabag ng konsensiya, ngunit mayroon ding kakayahang magmahal muli. Sa isang eksena kung saan binanggit niya ang pangalan ng kanyang yumaong asawa, hindi mapipigilan ang mapaluha. Hindi dahil sa sinabi niya, kundi sa paraan ng kanyang pagkakabigkas na tila ba bawat salita ay may kasamang pighati.
Ang sinematograpiya ng pelikula ay parang isang lumang larawan na mapusyaw, puno ng mga alaala. Ang mga eksena sa tabing-dagat, sa lumang bahay, at sa mga tahimik na kalsada ay nagsilbing salamin ng kanilang mga damdamin. Hindi ito visual spectacle, kundi isang paanyaya sa pagninilay. Ang liwanag at anino ay ginamit hindi lamang bilang teknikal na elemento kundi bilang bahagi ng pagku-kuwento.
Isa sa mga pinakamatinding tagumpay ng pelikula ay ang kakayahan nitong gawing makapangyarihan ang mga simpleng sandali. Isang tasa ng kape, isang paglalakad sa ulan, isang lihim na tawa, lahat ito ay naging simbolo ng muling pag-usbong ng damdamin. Sa mundong puno ng ingay, ang Only We Know ay isang paalala na may makabuluhang saysay ang katahimikan, ang kapayakan ng isang sandali.
Hindi rin matatawaran ang galing at lalim ng direktor at scriptwriter na si Irene Emma Villamor. Ang kanyang sensibilidad bilang manunulat at direktor ay malinaw na naramdaman sa bawat eksena. Ang inspirasyon mula sa Waiting for Godot ay hindi literal, kundi thematical: ang paghihintay, ang kawalang-katiyakan, at ang pag-asa sa gitna ng kawalan at pagdadalamhati. Sa kanyang mga kamay, ang pelikula ay naging isang tula ng paghilom.
Sa pagtatapos ng pelikula, hindi ko naramdaman ang tipikal na “happy ending.” Sa halip, may isang uri ng kapayapaan, isang pagtanggap na ang buhay ay hindi laging buo, ngunit maaari pa ring maging maganda at makabuluhan. Ang pamagat na Only We Know ay tila isang lihim na pinanghahawakan ng dalawang bidang tauhan, isang damdaming hindi kailangang ipaliwanag, kundi mararamdaman lamang.
Sa kabuuan, ang Only We Know ay hindi lamang pelikula; ito ay isang karanasang emosyonal. Isa itong paalala na sa kabila ng lahat ng sakit, may pag-ibig pa ring naghihintay nang tahimik, mapagpakumbaba, at totoo. At sa mga tulad natin na minsan na ring nagmahal, nasaktan at nagdalamhati nang dahil sap ag-ibig, ito ay isang paanyaya na huwag matakot magmahal muli…
… sapagkat alam rin natin kung bakit.