KUNG BAKIT MAHIRAP MAGING ISANG “VICO SOTTO”

SunStar Soto
SunStar Soto
Published on

Bago magtaas ng kilay dahil sa pamagat nitong artikulo, makabubuti pa ring malaman ang mga sumusunod na katotohanan:

Una, hindi ako bulag na panatiko ng kahit na sinong pulitiko… maging nina Mayor Vico Sotto at nina Mayor Leni Robredo at ng kaniyang yumaong asawang si Jesse. Tagahanga, oo; panatiko, hindi. Magkaiba ang dalawa. Pangalawa, ang mga artikulong isinusulat ko ay sarili kong opinyon na hango sa sariling pananaliksik; hindi mo kailangang paniwalaan, ituring na katotohanan, o sumang-ayon. Pangatlo, mas makabubuting isipin mo na ang “Vico Sotto” sa artikulong ito ay mas isang simbolismo kaysa sa pagtukoy sa iisang personalidad lamang. Pang-apat, hindi kami magkamag-anak ni Vico Sotto. Nasobrahan ng isang letra ang apelyido niya. Panglima at pinakahuli, marapatin mong tandaan ang naunang apat na katotohanan at paalala upang mas maging malinaw itong artikulong pinili mong basahin kaysa sa mag-Tiktok ka o manood ng mga “Reels” sa Facebook. Maaari mo nang ihinto ang iyong pagbabasa kung may isa sa limang katotohanan at paalalang ‘yan ang hindi mo nagustuhan o hindi mo pinaniniwalaan.

***

Sa isang mundong ang pulitika ay tila isang barkadahan, kung saan ang bawat pasya ay may kapalit na pabor at pera, isang batang alkalde ang tila hindi marunong makisama: si Vico Sotto. Naturingang anak ng isang beteranang aktres at isang komedyante, ngunit sa kaniyang pamumuno, tila siya ang pinaka-seryosong karakter at hindi marunong magpatawa sa isang dulang puno ng kabalintunaan at kabaliwan… hindi dahil sa kung ano pa mang dahilan kundi dahil ayaw niyang gawing katatawanan ang pagiging isang lingkod-bayan.

Hindi madaling maging isang Vico Sotto sa panahong ang katapatan ay tila alamat na lamang. Sa bawat kalye ng kapangyarihan, may nakasilip na Discaya at pulitikong buwaya: mga nilalang na bihasa sa sining ng pagbaluktot sa katotohanan, eksperto sa pagbili ng mamahaling sasakyan dahil sa nagustuhan ang libreng payong, at may PhD sa pagpapanggap. Ang mga ito’y hindi basta-basta; sila’y may diploma sa retorika ng panlilinlang at masterado sa sining ng pag-iwas sa mga tanong. At ang isa’y biglang nakalimot na ang kahulugan ng salitang “forthwith” ay matagal nang nasa Google.

Habang ang isang Vico Sotto ay abala sa pag-aayos ng suliranin sa trapiko, pagbubukas ng mga health centers, at paglalakad sa mga eskinita upang makinig sa hinaing ng masa, ang mga buwaya sa paligid niya ay abala rin sa pagnguya sa kaban ng bayan, sa pag-imbento ng bagong minumultong proyekto para sa bagong komisyon, at sa paglalagay ng sariling mukha sa bawat tarpaulin, kahit pa ito’y para sa libreng tuli lamang.

Ang simpleng polo at sapatos ng isang Vico Sotto na tila galing pa sa ukay-ukay ay kabaligtaran ng mga barong na may gintong sinulid at sapatos na tila may sariling security detail. Sa isang lipunang ang porma ay mas mahalaga kaysa sa prinsipyo, ang pagiging payak ay tila kasalanan.

Ngunit hindi lang pananamit ang isyu at usapin. Ang tunay na laban ay nasa likod ng mga pader ng kapangyarihan, kung saan ang mga diskarteng “para sa masa” ay kadalasang may kasamang lihim na agenda. Sa mga pagpupulong, ang isang Vico Sotto ay tila laging nasa minoridad, isang tinig ng katinuan sa gitna ng mga sigaw ng pansariling kapakanan.

May mga pagkakataong ang mga panukala ng isang Vico Sotto ay tinatanggiihan at tinututulan, hindi dahil mali, kundi dahil hindi ito aayon sa mga nakasanayan. Ang transparency ay tila salitang banyaga sa mga kasamahan ng isang Vico Sotto na sanay na sa dilim at sa pagiging sakim. At sa bawat hakbang niyang pasulong, may sampung kamay na pilit siyang hinihila pabalik.

Ang mga buwaya, sa kabilang banda, ay hindi na kailangang magtago. Sila’y hayagang lumalangoy sa ilog ng kapangyarihan, pinapalakpakan pa ng mga tagasunod na tila ba ang pagnanakaw ay isang uri ng sining at palabas lamang. Ang mga Discaya naman, habang nakangiti sa kamera, ay may hawak na kutsilyo sa kanilang likuran na handa kang saksakin sa ngiting nakalarawan sa maitim nilang budhi… lalo pa’t kung may “K” at Babaw” silang kayang bayaran. Kay babaw, ‘di ba?

Ngunit bakit nga ba pinipili pa rin ng isang Vico Sotto ang landas ng kabutihan at katapatan? Bakit nakakaya nitong maging mabuti at marangal samantalang hindi nagagawa ng ibang pulitiko? Parang napakahirap sagutin ng mga tanong na ‘yan. Ngunit hindi sa isang Vico Sotto. Sapagkat sa kabila ng lahat, naniniwala pa rin ang isang Vico Sotto na may saysay pa rin ang paglilingkod. Na ang gobyerno ay hindi negosyo kundi serbisyo. Na ang bayan ay hindi palengke ng boto kundi tahanan ng pag-asa.

At dito naiiba ang isang Vico Sotto. Hindi ito perpekto, ngunit hindi rin ito plastik… madalas na napaka-seryoso at tila binibili ang ngiti. Hindi ito nagtatago sa likod ng mga press release, at hindi ito nangangako ng buwan at bituin kapalit ng boto. Sa halip, ito’y nagtatanim ng punla ng pagbabago, kahit pa ang lupa ay tigang sa malasakit at ang paligid ay puno ng uod na nagmumula sa isang sistemang nabubulok.

Ang laban ng isang Vico Sotto ay hindi lang laban para sa kaniyang nasasakupan. Ito’y laban para sa ideya na ang pulitika ay maaaring maging tapat at marangal. Na ang pinuno ay maaaring maging lingkod, hindi hari. Na ang pamahalaan ay maaaring maging makatao, hindi makasarili.

Ngunit sa isang Pilipinas na pinalilibutan ng mga “Discaya” at mga pulitikong buwaya, ang pagiging isang Vico Sotto ay tila isang uri ng kabaliwan. Isang pagtalikod sa madali at maginhawa, kapalit ng pagod, batikos, at panganib. Ngunit sa kabaliwang ito, may pag-asa rin. Napatunyan ng isang Vico Sotto, Jesse at Leni Robredo ‘yan. Sapagkat sa bawat Vico Sotto na tumataya at naninindigan, may isang kabataan at ilang mamamayan ang mga naniniwalang posible pa rin ang tama, ang mabuti, at ang marangal… naghahangad na sana hindi lang sa iisang lungsod may isang Vico Sotto.

At kung sakaling dumami pa ang mga “Vico Sotto” sa mundong ito, baka sakaling ang mga buwaya ay matutong matakot, at ang mga Discaya, (‘di kayang magsabi ng totoo, di-kayang maghirap, di-kayang maging marangal) ay mawalan na ng entablado. Hanggang sa dumating ang araw na ang pagiging mabuti, matino, at marangal ay hindi na isang kabalintunaan at kahibangan, kundi mga mararangal na pamantayan.

Trending

No stories found.

Just in

No stories found.

Branded Content

No stories found.

Videos

No stories found.
SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph