“18-5”

SunStar Soto
SunStar Soto
Published on

Sa bawat tikatik ng orasan, sa bawat araw na lumilipas na walang hustisyang naipatutupad, isang panibagong pako ang ibinabaon sa kabaong ng ating demokrasya. Isang sigaw ng bayan ang hindi napakikinggan. Isang panawagan ang nilulunod sa ingay ng pulitika kaugnay ng impeachment trial laban kay VP Sara Duterte, isang proseso na dapat sana ay sumasalamin sa pananagutan, ngunit ngayo’y nahuhulog sa malalim na hukay ng pagtataksil at panlilinlang.

Ano pa ba ang natitira sa ating tiwala kung mismong ang mga haligi ng gobyerno ay gumuguho dahil sa bigat ng pansariling interes? Ang Senado na dapat sana’y tagapagtanggol ng katotohanan, ngayo’y naging tagapagtaguyod ng pagtataksil at panlilinlang. Sa pamamagitan ng walang-katapusang pagpapatagal, paglikha ng mga hadlang at balakid, at paglilibing sa tunay na usapin sa ilalim ng patong-patong na teknikalidad, tinatanggal nila ang pananagutan sa sistema ng hustisya, at mas pinipili nilang protektahan ang kanilang kapangyarihan at pansariling kapakanan! Hindi kabobohan ang tawag diyan kundi pagta-tanga-tangahan ng 18 senador.

Hindi ito simpleng pagkukulang, bagkus ay isang tahasang paglapastangan sa tiwalang ipinagkaloob ng sambayanan sa mga senador na tampalasan! Isang kasalanang ipinanganak sa kasakiman, pinatibay ng pagkakampi-kampi, at isinakatuparan ng mga lider na, sa halip na ipaglaban ang hustisya, ay mas piniling ikubli ang kanilang pakikilahok sa isang sistemang bulag sa katotohanan at salat sa kapakanan ng sambayanang pinangakuan nilang paglingkuran.

Sino ang may sala sa pagtataksil sa sambayanan? Sino ang nagtatakip ng kanilang mga tainga sa panawagan ng bayan? Sino ang mga nagbi-bingi-bingihan at nagbu-bulag-bulgan?!

Silang mga senador na nagnanais na ipagpaliban ang paglilitis. Sila na nagpapahimlay sa isang mahalagang sistema, na sa halip na ipatupad ang isang makasaysayang pagpapakita ng demokrasya ay mas pinipiling tumalima sa utos ng makapangyarihan. Ang kanilang katahimikan, o ang pag-iingay nang wala namang katuturan, ay isang pagyakap sa katiwalian. Ang kanilang pagbalewala sa mga "dapat" ay isang insulto sa sambayanang Pilipino. Sa bawat araw na dumadaan nang walang hustisyang naisasakatuparan, nadaragdagan ang bigat ng ating paghihirap bilang isang bansa.

Hindi tayo dapat manatiling tahimik! Patuloy tayong mag-ingay para sa katotohanan! Patuloy nating isa-tinig ang ng hustisya at katarungan! Patuloy tayong makialam nang may katalinuhan, sapagkat nakita na natin ang masaklap na katotohanan na hindi natin maaaring iwanan ang laban ng katotohanan sa 18 senador ni VP Sara Duterte! Kailangan natin silang muling turuan at pauli-ulit na ipaalala sa kanila kung sino ang tunay na makapangyarihan!

Ang ating kasaysayan ay puno ng paglaban, mula sa Sigaw ng Pugad Lawin hanggang sa EDSA 1986, mula sa himagsik ng mga dakilang bayani hanggang sa mga martir na nag-alay ng kanilang buhay para sa kalayaan. Sa bawat yugto ng ating pagsubok, may isang katotohanang lumulutang: ang Pilipino ay hindi kailanman matututong yumakap ng pagkatalo kung ang ipinaglalaban ay ang bayan, ang kinabukasan, at ang dangal ng ating bansa.

Sa pagbabasa mo nitong artikulong ito, sa tahimik na pagdaloy ng ating isip at damdamin, isang paalala ang dapat manatili: hindi tayo dapat makuntento sa panlilinlang ng mga buwang! Hindi natin dapat tinatanggap ang kawalang-katarungan bilang normal na pangyayari! Ito ang panawagan ng panahon; ito ang ating sandata, ang ating tinig, ang ating paninindigan, ang hindi-natitinag na sigaw ng bayan.

Hustisya ang hinihingi ng sambayanan. Katarungan ang dapat ipaglaban. At sa anumang paraan, sa anumang landas, hindi tayo dapat magpatalo sa pang-aabuso at panlilinlang ng mga nasa kapangyarihan!

Tuloy lang ang paglaban. Tuloy lang ang paghahayag ng katotohanan, dahil ito ay pananagutan natin para sa mas maayos at magandang kinabukasan na nais nating tamasain ng susunod na henerasyon. Ito ang ibig sabihin ng maging isang tunay na Pilipino sa panahon ng isang makasaysayan at mahalagang impeachment! Singilin natin ang 18 senador na 'yan, sapagkat kataksilan sa bayan ang kanilang ipinamalas sa sambayanan!

Ipaalala natin nang paulit-ulit sa mga senador natin na sila ay senador ng mga mas nakararami at hindi ng iilan lamang makapangyarihan!

Trending

No stories found.

Just in

No stories found.

Branded Content

No stories found.

Videos

No stories found.
SunStar Publishing Inc.
www.sunstar.com.ph