Ang paglalagay ng maraming inter-agency bodies at kumplikadong istruktura ng pamahalaan ay hindi awtomatikong nagiging sukatan ng epektibong serbisyong pang-edukasyon. Sa kaso ng Department of Education (DepEd), lumilitaw na may makabuluhang agwat sa pagitan ng pagbuo ng polisiya at ng tunay na pagpapatupad nito sa silid-aralan. Ang pangunahing dahilan: kahinaan sa monitoring at evaluation (M&E) na nag-iiwan sa mga programa at reporma na hindi nasusukat ang epekto at hindi natutukoy kung natutupad ang orihinal na intensiyon.
Ang M&E ay hindi lamang teknikal na gawain; pundasyon ito ng responsibilidad at pagkatutong institusyonal. Kapag ang DepEd ay hindi nakapagtatatag ng malinaw, consistent, at resourced na M&E system, nagiging mahirap humanap ng ebidensiya kung ang isang polisiya ay nakaaangat nga sa kalidad ng pagtuturo at sistema o nagiging pasanin lamang sa mga guro at paaralan. Madalas, ang resulta ay pabalik-balik na pag-aayos ng mga patakaran na hindi naka-ugat sa makatotohanang datos kundi sa pulso ng pulitika o pansamantalang proyekto. Sa madaling salita, paikot-ikot lang ang lahat.
Isang problema ang pira-pirasong datos: magkakaibang linya ng pag-uulat, hindi-standardized na pagtukoy, at limitadong kapasidad sa lokal na antas. Sa maraming distrito at paaralan, kulang ang pagsasanay at suporta para mangolekta at mag-analisa ng mga datos. Nangyayari ang situwasyong ang mga ulat ay puro pagsunod lamang sa itinakdang mga dokumento na sumusunod sa format ngunit hindi nagbibigay ng makabuluhang impormasiyon tungkol sa kalidad ng pagtuturo, pagkatuto ng mag-aaral, o pagpapanitili ng mga inisyatiba.
Kaugnay nito, ang paghihiwalay ng monitoring functions mula sa disenyo ng mga polisiya ay nagdudulot lamang ng diin sa pagpapahusay ng dokumento kaysa sa pagtitiyak sa aktuwal na implementasyon ng mga programa at mga polisiya. Kung ang M&E units ay hindi kasama sa pagbuo ng polisiya mula simula, nawawala ang pagkakataon na magdisenyo ng mga makabuluhang ebidensiya at hindi nagiging madaling isakatuparan sa mga tanggapan ng DepEd sa lokal na bahagdan. Nangyayari rin na ang feedback loop mula sa mga lokal na bahagdan na bumabalik sa Central Office ay mabagal o hindi sistematiko, kaya’t natetengga ang mga aral, mga guro, at mga admnistrador ng mga paaralan na dapat magbigay-linaw sa reporma o mga polisiya at mga programa.
Kakulangan sa pondo at teknikal na kagamitan para sa M&E ay isa pang konkretong hadlang. Ang seryosong M&E ay nangangailangan ng pondo para sa realistikong regular na pagsusuri, makatotohanang disaggregated data collection, at inklusibong pagbuo ng digital na sistema na magpapabilis ng mga pagsusuri. Kapag limitado ang resources, ang M&E ay madalas napapabayaan o ginagawang “tokenistic”, na ginagawa lamang para sa ulat lang at hindi para sa pagpapabuti ng kalidad at sistema ng mga programa at mga proyekto.
Ang ekonomiyang pulitikal ng edukasyon ay dapat ding isaalang-alang: may mga polisiyang mabilis na ipinatutupad dahil sa patronage o visibility, ngunit kulang ang dedikasiyon sa pangmatagalang pagsubaybay. Ang pokus sa tagumpay ng susunod na pagpupulong o press release ay nag-uudyok ng performance indicators na magmukhang maganda sa papel ngunit hindi nagrerepresenta ng pagbabago sa aktuwal na pagkatuto. Kaya kritikal ang independent at transparent na M&E na hindi madaling ma-override ng pansamantalang interes.
May problema rin sa kapasidad ng mga M&E personnel. Kadalasan, ang mga manggagawa na naatasan sa monitoring ay kulang sa training sa metodolohiya, data analysis, at paggamit ng resulta para magdisenyo ng remedial actions. Kung wala ang tamang kapasidad, magiging ceremonial lang ang monitoring na kadalasan ay checklist-driven at hindi insight-driven. Kailangang seryosohin ng DepEd ang professional development ng mga taong gumagawa ng M&E.
Ang lokal na partisipasiyon at accountability mechanisms ay madalas hindi napangangalagaan. Ang mga komunidad, guro, at magulang ay dapat na may malinaw na bahagi sa pagmomonitor upang masiguro na ang polisiya ay tumutugon sa kontekstong lokal. Kapag masiyadong sentralisado ang monitoring, nawawala ang konteksto at ownership ng mga aktuwal na tagapagpatupad at benepisyaryo, at humihina ang sustainability ng mga interbensiyon.
Upang maitama ang nakamihasnang sistema, kinakailangan ang konteksuwalisadong M&E framework na may malinaw na indicators, timeline, at responsibilidad sa lahat ng antas. Dapat itong sinusuportahan ng interoperable data systems na magpapahintulot ng real-time tracking at disaggregated analysis. Mahalaga ring magkaroon ng mandatory na budget line para sa M&E at kasamang accountability mechanisms para sa paggamit ng findings sa policy adjustments.
Hindi sapat ang magtalaga lamang ng units at gumawa ng reports; kailangan palitan ng bagong kultura at pamamaraan ang umiiral na sistema sa loob DepEd: na ang datos ay hindi parusa kundi instrumento para sa pagpapabuti. Dapat hikayatin ang learning culture: review cycles, rapid evaluations, at pilot-testing na sinusundan ng malinaw na proseso para i-scale o i-phase out ang mga polisiyang hindi epektibo. Gamitin ang M&E bilang mekanismo para kilalanin at palakasin ang mga lokal na inobasyon, hindi lamang para itala ang pagkukulang.
Ang panloob at panlabas na pagsusuri ay dapat magtulungan: internal M&E para sa operasyon at external independent evaluations para sa kredibilidad. Ang panlabas na pagsusuri ay nagbibigay ng neutral na pananaw, na tumutulong pabulaanan ang internal biases at political distortions. Ang DepEd ay dapat magpatibay ng transparent dissemination policy kung saan ang findings ay malayang nakikita ng publiko, lokal na komunidad, at mga eksperto.
Sa huli, ang tunay na sukatan ng pagiging epektibo ng DepEd ay hindi ang dami ng polisiya o inter-agency bodies, kundi ang kakayahan nitong tiyakin na ang bawat polisiya ay sinusubaybayan, sinusukat, at inaaksiyonan batay sa ebidensiya. Kung mananatiling mahina ang monitoring at evaluation, magpapatuloy pa rin ang pagkakaroon lamang ng magandang layunin na naiiwan bilang magandang intensyon lamang. Ang pagkamit ng de-kalidad na edukasyon ay nangangailangan hindi lang ng mabubuting planong sinulat sa opisina o mga pagpupulong kundi ng isang sistemang marunong matuto, mag-ayos, at magpanagot.
At sa ngayon, iyan ang pinakamalaking hamon na kailangang harapin ng DepEd na kailangang matugunan nang tama, upang maiwasan ang paikot-ikot lang na suliranin sa edukasyon.