Sa bawat sulok ng lipunan kung saan ang tagumpay ay madalas nakatali sa yaman, koneksyon, kapangyarihan, o kapanganakan, tumindig si Eugene dela Cruz bilang isang buhay na patotoo na ang tunay na lakas ay nagmumula sa kalooban: sa puso, sa pananampalataya, at sa walang-kapantay na tibay ng damdamin. Ang kanyang paglalakbay mula sa lansangan patungong Pamantasan ng Ateneo de Manila ay hindi lamang kuwento ng tagumpay, kundi isang paanyaya sa lahat ng nawawalan ng pag-asa sa buhay: palaging may pag-asa pa.
Labindalawang taong gulang pa lamang si Eugene nang siya’y tuluyang mawalay sa kanyang pagkabata. Sa halip na paaralan, ang kanyang silid-aralan ay naging mga madidilim na eskinita ng Maynila. Sa halip na baon, tinapay na lipas ang kanyang pinaghahatian sa tatlong kain. Sa halip na tahanan, tricycle at pampublikong palikuran ang kanyang kanlungan. Ngunit sa kabila ng lahat, hindi siya tuluyang nawalan ng paniniwala sa sarili. Hindi siya bumitaw sa pag-asa.
Walang nagtaka nang siya’y mawala sa paaralan. Walang nagtanong kung nasaan siya. At sa mahabang panahon, maging siya ay tumigil na ring magtanong. Ngunit sa katahimikan ng kanyang pagkawala, unti-unti niyang natutunan ang sining ng pagpupunyagi at pag-iral: ang mabuhay nang hindi bumibitaw sa pangarap.
Hanggang sa dumating ang isang pagkakataon na isang paanyaya para bumalik sa paaralan… para simulan buoin ang mga pangarap. Bagamat balot ng takot at pangamba, pinili ni Eugene ang umasa, ang maniwala, ang lumaban. At sa kanyang pag-asa, paniniwala, at patuloy na paglaban, may isang institusyong tumanggap sa kanya hindi bilang isang suliranin, kundi bilang isang posibilidad, isang mabuti at makapangyarihang pagkakataon. Ang Ateneo de Manila University ay tumingin hindi sa kanyang nakaraan, kundi sa kanyang potensiyal at posibleng kinabukasan.
Hindi hinanap ng Ateneo ang perpektong sanaysay o koneksiyon. Sa halip, inialay nila ang pinakamahalagang bagay na maaaring ibigay sa isang nawalan: PANANALIG. At mula sa sandaling iyon, kumapit si Eugene sa bisa at kapangyarihan ng pag-asa na tila ba ito na ang huling hibla ng kanyang buhay.
Sa bawat araw sa Ateneo, pinatunayan ni Eugene na ang kahirapan ay hindi hadlang sa karunungan. Nag-choreograph siya ng mga sayaw para sa kaniyang pagkain, nagturo sa mga estranghero para sa pambayad ng upa sa kaniyang tirahan, at pumasok sa klase bitbit ang mga aklat sa isang kamay at ang mga peklat ng nakaraan sa kabila. Sa kabila ng pangamba, nanatili siya, sapagkat may mga taong nagsabi sa kaniya na, “Ikaw ay mahalaga.”
Bagama’t walang kamag-anak na sumisigaw at pumapalakpak sa entablado, at walang tahanang naghihintay sa dulo ng kanyang paglalakbay, natagpuan niya ang isang bagong pamilya: ang Office of Admission and Aid, ang Ateneo Alumni Scholars Association, Scholars United, mga guro, kaibigan, at mga estrangherong piniling maniwala at magmahal sa kaniya. Sa kanilang pagkalinga, muling nabuo ang kanyang pagkatao bitbit ang kaniyang mga pinaka-iingatang pangarap.
At higit sa lahat, natagpuan niya ang Diyos, hindi sa malalayong altar, kundi sa bawat bahá, sa bawat malamig na palikuran, sa bawat luha na hindi niya kayang pigilan. Ang Diyos na hindi kailanman lumayo, kundi umupo sa tabi niya sa bawat pagsubok na nakasalubong niya sa daan ng buhay.
Ngayon, bilang isang nagtapos na may karangalan sa larangan ng Economics, si Eugene ay hindi lamang isang mag-aaral kundi siya ay isang sagisag: sagisag ng pag-asa, ng paninindigan, ng posibilidad. Sa kanyang tagumpay, ipinaa-alala niya sa atin na ang tunay na lakas ay hindi nasusukat sa simula, kundi sa kung paano tayo kumikilos para para sa katapusang matagal nating pinangarap at pinagpagurang marating.
Kung si Eugene ay nakatawid sa dilim patungo sa liwanag, hindi rin imposible na kaya rin natin. At kung ikaw na nagbabasa nitong artikulong ito ngayon ay patuloy na lumalaban, patuloy na humihinga, patuloy na umaasa, nananalig, at nagpupunyagi, hindi rin imposible na, kagaya ni Eugene, darating din ang araw ng iyong tagumpay. At katulad din ni Eugene, mapatutunayan mo rin na ang “krus” mong pinapasan ay siya ring iyong magiging daan sa kaligtasan at sa maliwanag na kinabukasan!
***
Nakatutuwang malaman at isipin na ang pangalang “Eugene” ay nagmula sa salitang Griyego na "Eugenēs" (Εὐγενής), na may kahulugan na "well-born" or "noble." Ito ay nanggaling sa dalawang salitang-ugat na Griyego na: "eu" na ang ibig sabihin ay "good" or "well", at "genēs" na ang ibig sabihin naman ay "born" or "origin".
Kung kaya’t ang pangalang “Eugene” ay naghahayag ng ideya ng isang taong ipinanganak na “mabuti”. Sa paglipas ng panahon, ang pangalang ito ay nai-ugnay na sa mga katangian ng dignidad, integridad, at kalakasan ng kalooban, mga katangiang angkop na angkop sa buhay at pagkatao ni Eugene at ng kaniyang “Krus”.